cinatas's profile picture

Published by

published
updated

Category: Blogging

Natutuwa ako ngayon

Natutuwa ako ngayon.

Pang-ilang araw ko nang hindi pumapasok sa paaralan. Hindi ako natutuwa dahil sa hindi pagpasok, ngunit dahil hinayaan ako ng magulang kong huwag pumasok.

Nagtanong sila kung ano ang rason, bakit raw dumadalas ang pag-absent sa school? Nawawalan na raw ba ako ng gana? May rason ba?

"Nak, may tinatakbuhan ka ba?"

Wala naman. Siguro, sarili ko lang. Lumayo na kasi ang kagustuhang gawin ang 'nakakapagod pero kailangan.' Hindi ko rin naman alam, sa pagtigil ko ba nito, sasaya ako? Kung titigil ba ako, mas gaganda ang mga araw ko?

Ngunit natutuwa ako ngayon.

Kanina nilutuan ako ni mama, bago siya para sa akin. Simula nang pagbukas ng paaralan, ako na ang naghahanda sa sarili. Dapat lang naman, matanda na ako, labing-pitong taon, pero masaya akong nilutuan ako ng Ina. Balak ko sanang pumasok, ngunit nakaramdam ulit ako.

Wala siyang pangalan, pero ramdam ko siya. Hindi ko mapangalanan. Dapat ko bang bigyan ng pangalan? Hindi ba't sa mga magasin at kwentong kathang-isip, kapag pinangalanan mo ang isang bagay, sa'yo na? Ayaw kong angkinin ang emosyong yumayakap sa akin sa tuwing may kailangang gawin. Parang kilala ko siya ngunit ayaw kong isiping siya nga. Siguro, nagdadamit mang-mang ako kasi ayaw ko siyang kilalanin.

Bakas nanaman sa mukha ng nanay ko ang pagka-dismaya, "bakit hindi nanaman pumasok ang anak ko? May tinatakbuhan nga siya."

Natutuwa ako.

Hindi ko man magawang ngumiti, pero may tuwa sa akin.

Natutuwa ako ngayon.

Pinilit ako ng mga kaibigan na pumasok sa paaralan, "may test tayo, pumasok ka. May petang gagawin, pumasok ka." Binibigyan nila ako ng rason, ngunit marami naman na akong rason, kagustuhan lang ang wala. Hinahanap ko naman, hindi ko lang talaga makapa. Siguro, dahil hindi ko alam kung saan ba kukunin.

Marami namang rason at kinatutuwa ko iyon.

May pamilya ako, naghihirap sila. Isa sa mga rason kung bakit kailangang pumasok sa eskwela. May kaibigan ako at nagsusumikap sila, gusto kong sabayan ang pag-angat nila. Isa sa mga rason kung bakit kailangang pumasok ng eskwela. Gusto kong kumita ng malaki at bilhin ang gusto ko. Isa sa mga rason kung bakit kailangang pumasok sa eskwela. Marami pa naman, hindi ko na nga mabilang. Marami sila, hindi ko lang maalala. Nakatuon kasi ako ngayon sa paghanap ng kagustuhang gawin ang mga dapat.

At hindi ito nakakatuwa.

Alam ko kasing hindi dapat hinahanap ang kagustuhan. Ito ay pakiramdam. Ngunit kung gano'n, bakit wala ako?


0 Kudos

Comments

Displaying 1 of 1 comments ( View all | Add Comment )

cinatas

cinatas's profile picture

Marami akong gustong pag-usapan, ngunit sa pagitan lamang ng sarili at ng manunulat. Siguro, 'tong kagustuhang sumulat ay nanggaling sa paghanap ng platapormang hahayaan akong isulat ang mga nasa isip. GUmagamit ng tagalog, sa kagustuhang kilalanin ulit ang batang, kung dumura, eh, akala mo liriko ni gloc-9 sa kanyang mga kanta. salo-salo na ang nararamdaman.


Report Comment